Isang emosyonal at makapangyarihang liham ang ipinadala ni Del, isang maybahay at lola, sa CELO upang humingi ng legal na paliwanag at suporta para sa kanyang apo na si Ria. Sa liham, ibinahagi niya ang kwento ng pang-aabuso na dinanas ng kanyang 16-anyos na apo sa kamay ng isang lalaking nakilala nito online.
Ayon kay Del, OFW sa South Korea ang ina ni Ria, kaya siya ang pangunahing nag-aalaga sa bata. Bagama’t batid niyang lulong sa cellphone ang kanyang apo gaya ng karamihan sa mga kabataan ngayon, pinili niyang hayaan ito upang bigyang galang ang pribadong buhay ng dalagita. Ngunit dumating ang sandaling hindi na niya maikakaila ang kakaibang ikinikilos ni Ria—madalas balisa, walang ganang kumain, at tila may tinatagong problema.
Sa pagkabahala, kinumpronta niya si Ria. Dito niya nalaman ang masakit na katotohanan: nakilala ni Ria online ang isang 40-anyos na lalaki na nagpakita ng pagmamahal at kalauna’y nang-abuso sa kanya. Hindi lang isang beses itong nangyari, kundi paulit-ulit dahil sa takot ni Ria sa banta ng lalaki na sasaktan ang kanyang pamilya.
Hindi nagdalawang-isip si Del na magsumbong sa pulisya. Nadakip ang nasabing lalaki, ngunit iginiit nito na sila raw ay "magkasintahan" — isang depensang tinatawag na "Sweetheart Defense."
Ano ang Sweetheart Defense?
Ayon sa legal na tugon ng CELO, ang Sweetheart Defense ay isang depensa kung saan inaangkin ng akusado na may romantikong ugnayan sila ng biktima. Ngunit sa ilalim ng batas, hindi sapat ang ganitong alegasyon. Kailangan ng kongkretong ebidensya tulad ng mga sulat, mensahe, larawan, o iba pang token ng pagmamahalan upang patunayan ito. Hindi sapat ang salaysay ng akusado lamang, lalo’t ito ay malinaw na may kinikilingan.
Proteksyon para sa mga Menor de Edad
Sa mga desisyon ng Korte Suprema, malinaw na kapag ang biktima ay menor de edad—katulad ni Ria—at may naganap na ugnayang sekswal sa pagitan nila ng akusado, ito ay awtomatikong maituturing na rape sa ilalim ng Anti-Rape Law of 1997 (RA 8353). Hindi katanggap-tanggap ang konsenswal na relasyon kung isa sa kanila ay menor de edad, sapagkat wala pa itong legal na kapasidad upang pahintulutan ang ganoong uri ng ugnayan.
Hustisya para kay Ria
Sa liham ni Del, ramdam ang sakit, galit, at pangambang dinaranas ng isang lola para sa kanyang pinakamamahal na apo. Ngunit kasabay nito ay ang kanyang tapang at determinasyong labanan ang pang-aabuso at makamit ang hustisya.
Ang kwento ni Ria ay paalala na kailangang bantayan ng mga magulang at tagapag-alaga ang mga kabataang nalalantad sa panganib ng teknolohiya at social media. At higit sa lahat, paalala rin ito na ang batas ay narito upang protektahan ang mga inosente—lalo na ang mga kabataan—mula sa mga taong nais pagsamantalahan ang kanilang kainosentehan.
Libreng Payong Legal ng CELO Taguig
Kung may problemang legal, i-konsulta mo sa CELO! Ang Libreng Payong Legal ay libreng face-to-face legal consultation para sa mga residente ng City of Taguig. Ito po ay ginaganap sa 4th flr. ng Taguig City Hall, Lunes hanggang Biyernes, 2:00 - 3:30 ng hapon (maliban kung piyesta opisyal o suspendido ang pasok sa opisina)
Limitado ang slots. Kaya mas mabuti kung mag-book ng appointment habang maaga. Hanapin ang "Book now" button sa itaas ng CELO main Facebook page. O mag-PM sa CELO FB Messenger para mag-request ng appointment.
ALSO IN TAGUIG
IMPORTANT NOTE: ang Taguigeño blog ay hindi konektado sa anumang account ng Taguig City government. Ito ay nabuo upang maghatid ng napapanahong balita at impormasyon para sa lahat ng Taguigeño.
WHERE TO STAY IN TAGUIG:
TAGUIGENO IS NOW ON YOUTUBE!
Post a Comment